
FILE PHOTO: Armed Forces of the Philippines Western Command Handout Photo: USS Guardian grounded at Tubbataha Reef.
MANILA, Philippines — Nagpadala na ng diplomatic note ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa United States Embassy upang singilin sa pinsala ng USS Guardian matapos itong sumadsad sa south atoll ng Tubbataha Reef sa Sulu Sea noong Enero 17, 2013.
Ngunit, nagtataka ang environmental activist group na Kalikasan People’s Network for the Environment kung bakit tumagal ang pagsingil ng ating pamahalaan sa US government.
“We don’t know what’s the reason of the Philippine government kung bakit hindi nila kinaagad kinonsult, pero nagpapakita ito ng pagiging inefficient ng Aquino government in asserting our sovereignty,” pahayag ni Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan NPE.
Ang Kalikasan ay isa lamang sa mga grupong naghain ng writ of kalikasan sa Korte Suprema noong nakaraang taon dahil sa insidente.
Paliwanag naman ng DFA, mahabang panahon ang ginugol ng kagawaran sa konsultasyon.
Tinatayang limamput walong milyong pisong danyos ang hinihingi ng pamahalaan sa Estados Unidos.
Subalit ayon kay Bautista, napakaliit ng naturang halaga kumpara sa magugugol upang maibalik ang nasirang corals sa ating karagatan.
“1.3 million dollars is not enough to cover the rehab and damage of the Tubbataha Reef. Sa pag-aaral namin, at least we need 13 million to 27 million dollars para maayos ang rehab.”
Ayon naman sa US Embassy, direktang nakipag-ugnayan na ito sa Philippine government, kung kaya’t hindi na nito sasagutin ang mga petisyon ng ibang grupo.
Bagay na ikinatakot ng Kalikasan NPE.
Ani Bautista, “ang pamamaraan na ipinapakita ay ang settlement ng dispute ay sa pagitan lang ng 2 executive branch ng US at PH govt.”
“Dehado tayo sa magkakaroon ng ganitong violations,” dagdag pa ni Bautista.
Sa kabila nito, tiwala pa rin sina Bautista na tutuparin ng Amerika ang kanilang pangako na bayaran ang Pilipinas.
Samantala, patuloy pa rin ang pagsulong ng mga environmental group sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO) sa isinagawang military exercise ng Pilipinas at US. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)