
DepEd Secretary Armin Luistro (UNTV News)
MANILA, Philippines — Nagsasagawa na sa kasalukuyan ng rapid damage assessment ang Department of Education (DepED) sa mga eskwelahan sa bansa kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Glenda.
“Ang ginagawa natin ngayon ay rapid assessment at ito po yung humihingi kami ng datos mula sa mga principal mismo kung ano yung nangyari sa kanilang eskwelahan,” pahayag ni DepED Secretary Armin Luistro.
Sa datos ng DepED, tinatayang nasa 115 school divisions sa labindalawang rehiyon, ang naapektuhan ng malakas na ulan at hangin na dulot ng bagyo.
Sa kasalukuyan ay nasa halos limampung school division pa lamang ang nakapag-resume ng klase.
Ayon kay Luistro, umabot sa mahigit 100 eskwelahan ang nagamit na evacuation center.
Sinabi ng kalihim na sa ngayon ay patuloy ang pakikipagugnayan ng DepED division offices sa mga local government units upang makapag-resume na ng klase at makapagsagawa ng clearing operations kung kinakailangan.
Aminado si Luistro na sa ngayon ay nahihirapan silang i-assess ang mga eskuwelahan sa mga lugar na tinamaan ng bagyo. Aniya, wala pa rin silang natatanggap na report dahil hanggang sa ngayon ay may mga lugar pa rin na walang supply ng kuryente.
Samantala, sa kabila ng ilang araw na suspensyon ng klase ay wala pa ring plano ang kagawaran na magpatupad ng makeup classes.
“Hindi pa siguro kasi alam mo yung bilangan nyan sa bawat quarter meron tayong 200 or so school days tapos yung non-negotiable na kailangan contact time is 180 pagi-divide mo yan by quarters ito yung kauna-unahang bagyo and class disruption sa first grafing period,” paliwanag ni Luistro.
“Yung mga isa dalawang araw lang sakop pa yung ng ating grace period,” dagdag pa nito.
Hinikayat naman ng DepED ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan, ang mga ekwelahan na nasira dahil sa Bagyong Glenda sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga lawaran at iba pang impormasyon sa DepED twitter account o di kaya ay mag-email sa communications@deped.gov.ph.
Inatasan din ng kalihim ang lahat ng DepED personnel na agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang kalagayan ng lugar na kanilang nasasakupan o di kaya ay makipagugnayan sa DepED Disaster Reduction Management Office sa mga numerong 635-3764, 637-4933,0908-263-0378 o di kaya ay mag-email sa drrmodeped@gmail.com. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)