
Nagsagawa na ng mga clearing operation ang mga otoridad sa mga daanan sa Quezon matapos ang bagyong Glenda (UNTV News)
LUCENA CITY, Philippines — Unti-unti nang bumubuti ang lagay ng panahon sa probinsya ng Quezon na isa sa mga malubhang naapektuhan ng paghagupit ng Bagyong Glenda.
Batay sa inisyal na pagtaya ng Department of Agriculture, umaabot na sa ₱150 million ang pinsalang idinulot ng Bagyong Glenda sa agrikultura sa buong probinsya.
Sinabi ng DA na 50% sa napinsala sa sektor ng agrikultura ay ang taniman ng palay, habang napinsala rin ang 50% ng taniman ng mais, niyog at tubuhan.
Sa isinagawang inspeksyon ng pamahalaang panlalawigan, umaabot na sa 242 baranggay at 24,750 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Glenda.
Nasa 13,792 ang nasirang bahay at iba pang establisiyemento.
Umabot rin sa 17 ang naitalang nasawi , 76 ang sugatan at 4 ang kasalukuyang nawawala.
Sa ngayon ay halos 90 porsiyento ng lalawigan ang walang communication signal kaya’t gumamit ang pamahalaang panlalawigan ng mga bikers sa bawat munisipalidad para ma-assess ang lawak ng pinsala ng bagyo.
Samantala, tuloy tuloy na rin ang pagsasagawa ng relief operations sa mga bayan ng Gumaca at Unisan at sa iba pang remote areas.
Sa ngayon ay umaabot na sa 23-libong indibidwal ang nabigyan na ng relief goods.
Naglaan na rin ang pamahalaang panlalawigan ng P29-milyon na calamity fund upang makabawi ang probinsya sa nagdaang kalamidad. (Japhet Cablaida / Ruth Navales, UNTV News)