
Ang sunog nitong umaga ng Enero 01, 2015 sa Barangay Apolonio Samson sa Quezon City. (PHOTOVILLE International)
MANILA, Philippines – Matapos ng limang oras ideneklarang fire out ng Bureau of Fire Protection-NCR nitong alas -12:45 ng tanghali ang sunog na tumupok sa walong daang bahay sa West Riverside, Brgy. Apolonio Samson sa Quezon City.
Umabot sa general alarm ang sunog na kumitil sa buhay ng isang tao at sumugat sa 5. Kinilala ang nasawi na si Jacylin, 18 taong gulang.
Mahigit na 4,000 pamilya ang nawalang ng tirahan.
Sa pagtaya ng BFP, nasa tatlong milyong piso ang pinsala sa ari-arian ng mga residente na ngayon ay pansamantalang naninirahan sa covered court ng barangay.
Samantala, isang bumbero ang naputulan ng daliri matapos na masabugan ng liquefied petroleum gas na kinilalang si Paul Manuel.
Ayon kay BFP District Fire Marshal Jesus Fernandez, nagmula ang sunog sa isang kwitis.
“Sana po umiwas tayo sa paggamit ng paputok. Ito po’y isang ehemplo na yung hindi tama paggamit ng mga paputok ay nakakapagdulot po ng pinsala hindi lang po sa area niya kundi nakakadamay din ng kabahayan sa mga kapitbahay niya.”
Nahirapan din ang mga bumbero sa pagapula ng apoy dahil malakas ang hangin at makipot ang mga daanan patungo sa lugar ng sunog.
Mabilis din ang pagkalat ang ng sunog dahil gawa sa light materials at dikit dikit ang mga bahay ng mga informal settlers.
Wala naman magawa ang ilang residente sa nangyaring insidente kagaya na lang ni Aling Maria Lourdes Gutierrez isang fruit vendor na na maging ang perang kinita sa pagtitinda ay hindi nakaligtas sa sunog.
“Yung pera naman namin na kinita na pinagbebentahan namin kahapon na nagtitinda kami ng prutas, sa taranta ko hindi ko man nadala na. sa totoo lang sir promise, humingi na rin ako ng tulong sa mga suki ko ngayon.”
Ayon din kay Bureau of Fire Protection Regional Director Senior Superintendent Sergio Soriano, patuloy pa rin nila sinusuyod ang mga lugar na nasunugan upang malaman kung may iba pang casualty sa sunog. (REYNANTE PONTE / UNTV News)