
Ang sampung taong gulang na naputukan ng piccolo na isinugod sa isang ospital sa Malabon. (UNTV News)
MANILA, Philippines – Pumapalahaw sa iyak ang isang sampung taong gulang na bata matapos maputukan ng piccolo ang kanang kamay.
Hindi agad naihagis ng bata ang sinindihang piccolo kaya sa kamay niya ito pumutok.
Nagtamo ng sugat sa hinlalaki at hintuturo ang bata na agad namang binigyan ng atensyong medikal.
Sa Valenzuela City, bago mag-alas-4 ng umaga ay umabot na sa labing-siyam katao ang isinugod sa Valenzuela City Emergency Hospital dahil sa paputok.
Kabilang sa mga isinugod sa naturang pagamutan ang dalawang lalake at isa dito ay nasabugan ng whistle bomb sa kamay.
Dahil sa pinsala ay kinailangang putulan ng mga doktor ang kaniyang mga daliri.
“Pagsindi itatapon ko na sana bigla sumabog,” salaysay nito.
Nasabugan naman ng paputok sa mukha si Brent Peñaflor.
Kwento nito, paglabas niya ng bahay ay bigla na lang pumutok sa kaniyang mukha ang hindi matukoy na uri ng paputok.
“Natumba lang daw kasi yun sir.”
Ayon kay Doctor Ernie Guevarra ng Valenzuela City Emergency Hospital, karamihan sa mga biktima ay nagtamo lang ng minor injuries.
Bukod sa paglinis sa mga sugat ay binigyan pa ng anti-tetanus vaccine ang mga pasyente.
Apela ng doktor, kailangang dalhin sa pagamutan ang isang naputukan kahit maliit lang ang sugat upang malapatan ng kaukulang atensyong medikal para makaiwas sa impeksyon at tetano.
“Kahit na maliit dapat you have to consult a doctor or to a health center or to a hospital so that they can be given yung anti-tetano,” saad nito.
Samantala, wala namang naitalang biktima ng ligaw na bala ang naturang ospital. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)