
Magkatuwang ng nilapatan ng UNTV News and Rescue Team at Lifeline Rescue ng first aid ang naaksidenteng ito sa Novaliches, Quezon City noong Agosto 25, 2013. (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines – Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang aksidente na kinasangkutan ng isang motorcycle rider at isang babaeng nabundol nito sa kahabaan ng Quirino Highway sa Novaliches, Quezon City, Linggo.
Habang dinala ng isang rescue team ang sugatang babae, tinulungan naman ng UNTV News and Rescue Team ang sugatan ring driver ng motorsiklo.
Agad nilapatan ng grupo ng pangunang lunas ang driver at sinakay sa rescue van saka dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Ayon sa mga nakakita sa aksidente, patawid ang babae nang mahagip ito at makaladkad ng motorsiklo na may plate number 5085TC
“Nag-counter flow yung itong motor dito sa Quirino Highway tapos yong babae patawid nasalpok siya at nakaladkad,” ani Anastacio Farina Jr, nakakita sa aksidente.
“Basta nakita po namin tumalsik po sila pareho pagkabangga sa babae,” pahayag naman ng isa pang saksi na si Marissa Siasico.
Patuloy namang nagpapaala ang mga awtoridad sa mga motorista na palaging sumunod sa batas trapiko para makaiwas sa peligro. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)