
FILE PHOTO: Ang biglaang pagbaha o flash flood sa Davao City dahil sa malakas na pag-ulan nitong gabi ng Miyerkules, Hunyo 05, 2013 . (RITCHIE TONGO / Photoville International)
MANILA, Philippines — Patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong araw dahil sa epekto ng southwest monsoon o hanging habagat.
Paliwanag ng PAGASA, walang direktang epekto sa Pilipinas ang tropical storm Dante subalit pinalalakas nito ang habagat na siya ngayong nagdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Alas-4 kaninang madaling araw, huling namataan ang Bagyong Dante sa layong 1,030 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot ng 75 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong pumapalo ng 90 kph.
Pinapayuhan ang publiko na magdala ng payong at pananggalang dahil sa mga pag-ulan na posibleng maranasan sa bansa partikular sa bahagi ng CALABARZON, Bicol at MIMAROPA Regions pati na ang western at central Visayas.
Bahagya namang magiging maulap ang Metro Manila at makararanas ng pulu-pulo o isolated thunderstorms sa dakong hapon o gabi.
Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Dante bukas, (Martes).
Paglilinaw naman ng PAGASA, hindi pa opisyal na umiiral ang panahon ng tag-ulan dahil hindi pa naaabot ang criteria upang ito’y maideklara sa kabila ng pagpasok ng bagyong Dante. (UNTV News)