
Ang ilan sa mga kawani ng Philippine Coast Guard na nagtulongtulong upang maagapan kaagad ang pagkalat ng oil leak sa Ilog Pasig sa area ng Sta. Ana nitong Lunes, June 24, 2013. (CREDITS: Philippine Coast Guard)
MANILA, Philippines — Napigilan na ang pagkalat ng tumagas na bunker fuel sa iba pang bahagi ng Ilog Pasig sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), kontrolado na nila ang oil spill matapos lagyan ng boom at absorbent pads ang paligid ng oil depot.
Sinabi ni PCG Spokesman, Commander Armand Balilo na umabot sa halos dalawang kilometro ang nasakop ng kumalat na langis sa ilog mula sa Lambingan Bridge sa Sta. Ana, Maynila hanggang sa Nagtahan Bridge sa Sampaloc.
“Based dun sa latest report contained na ano, wala ng tumatagas at wala ng oil dun sa Pureza.”
Ayon naman kay Jesus Marzan, ang Manila City Administrator, mahaharap sa kaso ang may-ari at operator ng oil depot compound kapag natapos ang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa sa isinagawang ocular inspection, napag-alaman na may nilabag ang kumpanyang LM Merchandise sa fire safety regulation at wala rin itong maipakitang permit at iba pang mga kaukulang dokumento.
“May nakita kami dito business plate, nung nagpunta nga dito yung representative hinihingi namin yung dokumento nila ayaw ipakita, wala pa sila maipakita.”
Samantala, sa isang panayam sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda na sa ngayon ay pinag-aaralan na ng Malacañan na muling buhayin ang panukalang ilipat sa ibang lugar ang mga oil depot na nasa loob ng Metro Manila.
“Yung isyung yan umakyat po sa Office of the President dahil sa City of Manila na batas na in-issue pwedeng umakyat sa Office of the President, pinagaaralan po yan ng Office of the Executive Secretary.” (Francis Rivera / Ruth Navales, UNTV News)