Sa kabila ng trahedyang dinanas ng mga kababayan nating ito sa Tacloban sa pananalasa ng Bagyong Yolanda, ay hindi naman nawala sa kanila ang pag-asang makabangon muli at patunay nga nito ang mga ginang na may ngiti sa kanilang mga labi sa habang pumipila para makakuha ng relief goods nitong Sabado, Nobyembre 16, 2013. Ayon sa pamahalaan nasa landas na ng tuluyang pagbangon ang Tacloban City. (RICKY CARANDANG / The Official Gazette)
MANILA, Philippines – Unti-unti nang bumabangon ang Tacloban City, Leyte mula sa hagupit ng Bagyong Yolanda sampung araw na ang nakalipas.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, nasa early recovery stage na ngayon ang mga munisipalidad.
Napuntahan na at nabigyan na ng relief goods ang lahat ng apektadong lugar sa tulong na rin ng iba’t ibang NGO at international organizations.
Wala na ring problema sa suplay ng tubig dahil nagbukas na ang water district sa lungsod.
Bumuo naman ng task force normalization ang pamahalaan na pamumunuan ng mga local official upang tutukan ang muling pagbangon ng Tacloban. (UNTV News)
Isang bahagi ng relief operation sa Antique gamit ang air asset ng AFP para sa mga nasalanta ni Super Typhoon Yolanda. (Official Gazette of the Republic of the Philippines)
MANILA, Philippines – Tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang seguridad ng mga naghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Kasunod ito ng mga balitang panghaharang ng ilang nagsasamantala sa mga naghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Eduardo Del Rosario, pitumpung porsyento na ng air assets ng AFP ang nagdadala ng relief goods sa mga lugar na nasalanta bukod pa dito ang sea at land assets.
Humihingi naman ng pang-unawa ang AFP sa mga naghihintay pa ng relief goods. (UNTV News)
Si Pangulong Benigno Aquino III sa pamamahagi ng mga relief goods sa mga nasalanta ni Super Typhoon Yolanda sa mga taga-Alangalang, Leyte nitong Lunes, Nobyembre 18, 2013. (RTVM)
LEYTE, Philippines — Nilibot ngayong araw ng Lunes ni Pangulong Benigno Aquino III kasama ng ilang miyembro ng gabinete ang mga malalayong lugar ng Leyte partikular ang bayan ng Palo at Alangalang na napinsala ng Super Typhoon Yolanda.
Pinuntahan ng pangulo ang munisipyo ng Palo at nakipagpulong sa mga lokal na opisyal. Namigay rin ito ng mga relief goods sa mga residente.
Binisita din ni Pangulong Aquino ang nasirang palengke ng naturang bayan at kinumusta ang mga tindero.
Dinayo din ng pangulo ang isa mga remote area ng Leyte ang bayan ng Alangalang. Itinuturing ang lugar na isa sa nagbibigay ng malaking kontribusyon sa sektor ng agrikultura dahil sa dami ng niyog na nakatanim dito.
Bukod sa ipinamahaging relief goods, nangako ang pangulo na tutulungan ang mga residente sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa pangulo, “pangatlong round na po ng tulong kasama na po mga trapal para sa mga bubong natin binaggit ni vice yung problema natin sa agrikultura pababalikin natin si Secretary Alcala para makipag-gnayan sa lahat ng mayor ng Leyte.”
Dagdag pa nito, “tuloy tuloy ho ito hanggang makabangon tayo lahat dito pakiusap lang po natin damayan pakikisama sa isat isa at konting pasensya para mapabilis ang buong proseso ng pagbangon po lalo na dito sa alangalang.”
Samantala, iniulat naman ni Energy Secretary Jerico Petilla na 160 power transmission towers ang ibinagsak ng Bagyong Yolanda.
Sa kabila nito, tiniyak ni Petilla na sa Disyembre 24 ay magkakaroon na magliliwanag na ang buong Visayas.
“We will target December 24 hindi ko alam kung makikipagpustahan ako kasi medyo very very tight ito we have to target that otherwise kung safe ang target ko at hindi ako tataya hindi mangyayari,” ani Petilla.
Hanggang ngayon ay nasa Tacloban pa rin si Pangulong Aquino at patuloy na nagiinspeksyon sa mga apektadong lugar upang matiyak na hindi napapabayaan ang mga biktima ng Super Typhoon Yolanda. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)
Ang mga tent na ito ng DSWD ang pansamantalang matutuluyan ng mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Yolanda. Samantala, magpapagawa naman ang DOLE ng mga bunk houses para sa mga ito na ang mga magiging trabahador ay ang mga nasalanta rin mismo. (DSWD / Official Gazette of the Republic of the Philippines)
MANILA, Philippines — Magkakaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng emergency employment sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Ayon kay DOLE Director Nicon Fameronag, nangangailangan sila ng mahigit 12-libong trabahador na tutulong sa paggawa ng bunk houses.
Aniya, bawat mangagawa ay tatanggap ng P250 na minimum sa loob ng labin-limang araw.
“Yung emergency employment program yung unang maha-hire ay magsasagawa ng trabaho sa pagtatayo ng mga bunk houses, katuwang namin dito ang LGU, DILG.”
Hinihikayat naman ng DOLE ang mga manggagawang umalis sa mga lugar na sinalanta ng bagyo na magpatala sa Public Employment Services Office o PESO upang makakuha ng trabaho sa nalalapit na jobs fair.
Pwede ring mag-register sa online job search na www.phil-job.net.
“Kung ikaw ay taga Leyte at lumipat sa Maynila, hinihimok ni kalihim Linda Baldoz ang mga manggagawa na nag-evacuate na mag-register sa PESO at mag-avail ng mga oportunidad sa nalalabi pa naming job fair,” saad pa ni Fameronag.
Samantala, inaalam pa ngayon ng DOLE kung ilan ang mga nawalan ng trabaho at kung anu-anong mga kumpanya ang tuluyan nang magsasara sa mga lugar na apektado ng Bagyong Yolanda. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)
Bagaman ang karamihan sa mga naitalang namatay sa pananalasa ng Bagyong Yolanda ay nailibing na, sa pagdaan ng mga araw ay patuloy pa rin tumataas ang bilang ng mga nasawi na karamihan ay sa pagkakadiskubre sa patuloy na clearing operations na isinasagawa ng pamahalaan. (ROMALDO MICO SOLON / Photoville International)
MANILA, Philippines – (Update) Umabot na sa 3,982 ang naitalang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Yolanda.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), nadagdagan din ang bilang ng sugatan na umaabot na sa 18,266 habang 1,602 pa rin ang nawawala.
Sa ngayon ay umaabot na sa 2,166,891 pamilya o katumbas ng 10,047,652 indibidwal ang naitalang naapektuhan ng bagyo, kung saan karamihan dito ay nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Umabot na rin sa P11, 737,153,892.92 ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa agrikultura at imprastraktura.
Samantala, nasa P372, 228,400.31 na ang naipamahaging relief assistance ng gobyerno sa mga nasalanta sa Regions IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, X, XI, at CARAGA. (UNTV News)
Katulad ng mga kababayang ito na sakay ng C-130 palabas ng Tacloban upang makapagpasimula ng panibagong buhay sa Cebu matapos ang pananalasa ni Bagyong Yolanda, ang mga typhoon survivors naman na lumuwas ng Maynila ay nagnanais ding makapagpanibagong buhay. Ngunit ang ilan sa kanila ay walang tiyak na matutuluyan. Sa pamamagitan ng PROJECT YAKAP ng Metro Manila Development Committee ng House of Representatives, nakahanda silang kupkupin ng mga kongresista na miyembro nito. (JULIUS CASTROVERDE / Photoville International)
MANILA, Philippines — Nasa limang libo na ang mga survivor na dumating sa Villamor Air Base sa lungsod ng Pasay mula sa Tacloban at iba’t ibang lugar na naapektuhan ng Bagyong Yolanda.
Marami sa kanila ang walang tiyak na matitirhan na nagtungo sa Maynila upang takasan ang masaklap na sinapit sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, nakahanda naman ang ilang kongresista sa Maynila na kupkupin muna ang mga survivor sa ilalim ng programang Project Yakap na inilunsad ng House of Representatives – Metro Manila Development Committee.
Sa ngayon ay wala pang nagpapatala na nais magpakupkop sa mga kongresista, ngunit patuloy ang paghahanda para sa mga lugar na pwede nilang matirahan.
Ayon kay Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian, tutulungan rin nila ang mga estudyante na maituloy ang kanilang pag-aaral sa Maynila.
“Interim lang ito hanggang andito sila sa Metro Manila. Educational support bibigyan din natin kakausapin namin principal na tanggapin ang mga transient na papasukin sa school.”
Samantala, nilinaw naman ng mga kongresista na pansamantala lamang at hindi permanente ang kanilang gagawing pagkupkop .
Sa sandaling maayos na muli ang kabuhayan sa mga lugar na kanilang pinagmulan ay hihikayatin na silang bumalik doon.
“We will try to rehabilitate them wait lang namin na maayos ang province nila pero sana bumalik sila sa province nila kasi possible na dadagdag sila sa kakulangan ng classroom dito sa Manila informal settlers and dagdag vendors,” pahayag ni Quezon City Rep. Winnie Castelo.
Tiwala naman ang mga kongresista na maraming private organization ang tutulong sa kanila upang maibigay ang pangangailangan ng mga survivor.
Maliban dito ay may pondo pa rin silang natira na nasa iba’t ibang ahensya gaya ng DepED at DSWD.
Hinikayat naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang kanilang mga kababayan na muling bumalik sa kanilang lugar kapag maayos na ang sitwasyon.
Gayunman, naiintindihan umano niya ang kasalukuyang pinagdadaanan ng mga survivor.
“Hindi po sila masisi na gusto nila umalis doon kasi wala sila matitirhan at masisilungan,” ani Evardone. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)
Ang C130 aircraft ng Philippine Air Force sa Tacloban Airport na nagdadala ng mga relief goods mula sa Maynila at naghahatid ng mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Yolanda na gustong lumuwas sa Maynila. Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines, bawal pang lumapag dito ang mga maliliit na eroplano. (ROMALDO MICO SOLON / Photoville International)
MANILA, Philippines — Hindi pa rin pinahihintulutan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang mga maliliit na eroplano na lumapag sa Tacloban Airport.
Ayon sa CAAP, ipinatutupad pa rin ang total ban sa light fixed wing aircraft at private planes sa paliparan matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda.
Sinabi ni CAAP Deputy Director General, Captain John Andrews na prayoridad nila ang mga commercial flights na mula Mactan, Cebu at Manila na nagdadala ng relief goods. (UNTV News)
Students of La Verdad Christian College Caloocan and Members Bible Readers Society International volunteered at the repacking operation of relief goods at the covered courts of the Department of Agrarian Reform in Quezon City this Wednesday, November 20, 2013. This repacking operation is organized by the GAWAD KALINGA and PILIPINAS NATIN — a flagship campaign of the PCOO Office for Special Concerns — in partnership with the Department of Agrarian Reform, Presidential Communications Operations Office, Philippine Information Agency, Philippine Television, EDSA People Power Commission and others.This show of support is coinciding the efforts of Bro. Eli Soriano of Ang Dating Daan and Mr. Public Service Kuya Daniel Razon to help our fellowmen at the Visayas Region in distress caused by the Super Typhoon Yolanda. (PHOTOVILLE International)
MANILA, Philippines — Nakiisa ang mga mag-aaral at instructors ng La Verdad Christian College (LVCC) at miyembro ng Bible Readers Society International sa relief operations para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
Pansamantalang ipinagpaliban ng mga estudyante ang ilan sa kanilang klase at sama-samang nag-volunteer sa pagre-repack ng mga relief goods sa operation “Walang Iwanan” ng Gawad Kalinga sa Quezon City.
“Yung mga magka-klase ngayon nung nalaman na merong ganitong operation pati mga instructor sumama na rin para makatulong,” pahayag ni Jensen Sobrejuanite, NSTP Instructor.
Ayon sa mga mag-aaral, inspirasyon nila sa pagtulong sa kapwa ang adbokasiya ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon na “Ang pag-gawa ng mabuti ay hindi magbubunga ng masama”.
Pahayag ni Andrew, “Yung pagbo-volunteer lang po kahit isang tao mabibigyan… basta po nakatulong ako masaya po.”
“Salamat po sa Diyos, kasi in a little way maliit na bagay to.. di man ako makabigay ng pera wala man akong maibigay sa kanila at least yung pagtulong ko sa pag-rerepack… basta sobrang saya,” pahayag naman ni Rozen.
Sumama rin sa relief operations ang Bread Society International.
“Lagi po naming sasamantalahin na bawat pagkakataon na gagawin na gumawa ng mabuti sa kapwa lalo na yung mga nasalanta.. kaya andito po kami ngayon tumutulong sa pagre-repack ng relief goods,” saad naman ni Gerlo Kevin Real.
Nagpapasalamat naman ang “Walang Iwanan” sa ginawang pagtulong ng mga estudyante ng La Verdad Christian College at mga miyembro ng Bread Society.
Patuloy rin itong humihikayat ng mga volunteer para tumulong sa repacking ng relief goods para sa ating mga kababayan sa Visayas.
“Pumunta po kayo dito sa DAR Gym… open pa po ang operation Walang Iwanan hangagang Sunday… ine-encourage po namin kayo na hapon pumunta hanggang gabi para makatulong po tayo sa paglo-load ng mga relief goods sa mga truck,” saad nito. (Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)
FILE PHOTO: Department of Foreign Affairs Spokesman Assistance Secretary Raul Hernandez (UNTV News)
MANILA, Philippines — Umabot na sa $256 million ang kabuoang halaga ng tulong mula sa ibat-ibang bansa at international organization ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa nasabing donasyon, P8.5 billion ay in cash at ang P4.4 billion naman ay non cash.
Ayon kay DFA Spokesman Assistance Secretary Raul Hernandez, ang $13 million ay idinaan sa pamahalaan.
Ito ay namomonitor sa pamamagitan ng Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH).
Kabilang naman sa mga bagong donasyon ay nagmula sa mga bansang Bangladesh, Brunei Darrusalam, Cambodia, Czech Republic (Check), at Ukraine.
Ang ibang bansa naman na naunang nangako ng tulong ay dinagdagan pa ang kanilang mga donasyon.
“Meanwhile several donors such as Australia, Canada, New Zealand and Norway has extended their amount of assistance, 20 million us dollars of the 23 million us dollars grant provided by ADB came from Japan,” ani Hernandez.
Samantala, inanunsyo rin ng DFA na ang lahat ng mga biktima ng Bagyong Yolanda na may pasaporteng nawala o nasira ay hindi na kailangan pang magpresinta ng kanilang affidavit of loss for replacement.
Inatasan na aniya ang lahat ng DFA offices sa buong bansa na ipatupad ang naturang direktiba hanggang Enero ng susunod na taon.
Matapos ang Enero ay muling babalik sa normal procedure at requirements ang pag-aapply ng passport.
Ang operasyon naman ng DFA office sa Tacloban ay pansamantalang itinigil at lahat ng mga passport doon ay iingatan muna sa consular office sa Metro Manila.
Maaari aniyang puntahan ng mga apektadong aplikante ang kanilang passport sa Macapagal Avenue sa Pasay.
“They are also not required to pay the penalty for the loss of valid passport, the applicants only have to submit simple written statement of loss or mutilation of the passport and if possible a brgy certifications stating that they are victims of Yolanda,” saad pa ni Hernandez.
Humihingi naman ng pangunawa ang DFA sa mga aplikanteng taga Tacloban dahil ang karamihan ay nabasa ng tubig noong bagyo.
Ang isa lamang sa pangkaraniwang tanawin na sinapit ng mga barangay sa Tacloban City matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda. (JULIUS CASTROVERDE / Photoville International)
QUEZON CITY, Philippines — Umabot na sa mahigit limang libo at dalawandaan ang naitalang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Yolanda.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa dalawampu’t limang libo, limandaan at limampu’t siyam ang naitalang sugatan habang isanlibo at anim naraan naman ang patuloy pang nawawala.
Umakyat na rin sa dalawampu’t apat na bilyong piso ang naitalang halaga ng iniwang pinsala ni Yolanda sa agrikultura at imprastraktura.
Iniulat din ng NDRRMC na wala pa ring suplay ng tubig hanggang ngayon sa ilang bahagi ng Antique, Capiz at Iloilo habang nagpatupad naman ng pagrarasyon sa Coron, Palawan.
Naibalik naman ang suplay ng kuryente sa Ormoc City, Leyte pati na sa apat na bayan sa lalawigan ng Iloilo habang nananatili ang power outage sa ilang bahagi ng Eastern Visayas, Cebu at Regions 4B, 5 at 6. (UNTV News)
Sa naganap na pananalasa ng Bagyong Yolanda, naging sa laman ng lansangan at ng mga operasyon ng pamahalaan ang mga militar at mga pulis hindi upang makipagbaka sa mga masasamang elemento kundi maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta. (MALACAÑANG PHOTO BUREAU)
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Pangulong Benigno Aquino III ang militar na unang rumesponde sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Ayon sa Pangulo, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga sundalo, pulisya at mga bumbero sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo.
Hindi aniya biro ang ginawa ng mga ito na pagrekober at paglibing ng mga labi, relief operations at ayuda sa mga biktima ng bagyo.
Tiniyak naman ni Pangulong Aquino na ipagpapatuloy ang mga programa para sa modernong AFP. (UNTV)
Ang pagkapanalo ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa laban kontra Brandon Rios para sa World Boxing Organisation (WBO) International welterweight boxing title nitong Linggo, Nobyembre 24, 2013 sa Macau, China. Itinuturing din ng mga kababayan nating nasalanta ni Bagyong Yolanda ang pagkapanalong ito ni Pacquiao na pagkapanalo rin nila kontra sa kanilang sinapit na pananalasa. (REUTERS/Tyrone Siu)
MANILA, Philippines — Sandaling nakalimutan ng buong Pilipinas ang iniwang pinsala ni Super Typhoon Yolanda sa Visayas Region habang nakikipagsagupa si Cong. Manny Pacquiao kay Mexican-American boxer Brandon Rios.
Napuno ng sigaw ng kagalakan ang convention center sa Tacloban matapos na ianunsyo ng ring announcer na si Michael Buffer na panalo si Pacquiao via unanimous decision laban kay Rios sa WBO international welterweight title fight.
Ayon sa residenteng si Jacob Mado, dahil sa laban ay pansamantala niyang nakalimutan ang nararamdamang lungkot dulot ng nakaraang bagyo.
“It’s hard to explain because, because when he’s fighting you forget, you forget something that’s happened here. You don’t feel the sadness that’s happened here. You just feel happy.”
Walang bakas ng sakit sa mukha ng mga survivor sa bawat pagtama ng suntok ni Pacquiao kay Rios.
Naniniwala ang 70-anyos na si Filemon Corro, na nawalan din ng bahay dahil kay Yolanda na nagbibigay pag-asa sa mga tao sa Tacloban ang pagkapanalo ni Pacquiao.
“His win has given strength and confidence to the people, and helped us to forget the terrible things that happened here. Everything doesn’t seem as bad now.”
Nagset-up ang lokal na pamahalaan ng mga wide screen sa tatlong lugar sa Tacloban City at isa na rito ang nasirang paliparan kung saan naka-standby ang mga foreign at local aid worker at security forces.
Ang iba, nagdagsaan sa open field mapanood lamang ang kanilang idolo. Tanging ang mga plywood, cardboard at styrofoam scrap ang ginawang panangga sa sikat ng araw.
Mayroon ding umakyat pa sa puno o jeepney, para lamang masilip ang laban ni Pacquiao.
Ayon sa typhoon survivor na si Nenita Male, “it was a good fight by Pacquiao. He fought for the typhoon victims. He fought for us. We will rise again. Pacquiao lifted us up.”
Maging sa Marikina ay dumagsa ang may dalawang libong residente sa isang public park upang matunghayan ang laban.
“All of his fights are dedicated to Filipinos. That’s one asset of Manny — because of his good heart, the Lord granted him with blessings,” pahayag ni Cecilio Digamon.
Maliban sa pagiging isang boksingero, si Pacquiao rin ang congressman ng probinsya ng Sarangani.
Taos-puso namang nagpasalamat si Pacquiao sa lahat ng mga Pilipinong sumuporta sa kanya, at nangakong bibisitahin ang ating mga kababayang naapektuhan ng bagyo. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)
Bagaman unti unti nang nagsusumikap bumangon ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda, nangangailangan pa rin ito nang patuloy na ayuda mula sa gobyerno. Ngunit dahil ang konsentrasyon na ngayon ng pambansang pamahalaan ay ang rehabiltasyon at konstruksyon, ipinauubaya na pagpapalawig ng relief operations sa DSWD. FILE PHOTO: Tacloban Yolanda victims (JULIUS THEO CASTROVERDE /PHOTOVILLE International )
MANILA, Philippines — Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang desisyon sa hiling ni Leyte Governor Dominic Petilla na i-extend pa hanggang Pebrero 2014 ang relief efforts sa mga sinalantang lugar ng Super Typhoon Yolanda.
Sinabi ni Presidential Communication and Operations Office Secretary Herminio Sonny Coloma Jr. na ang DSWD ang siyang nangunguna sa relief efforts sa Leyte at Samar kaya aalamin din ng Palasyo ang kasalukuyang estado ng relief operation doon.
Nauna nang ipinahayag na hanggang Disyembre na lamang ang relief efforts sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Gayunman, siniguro ng Malacañang na hindi pababayaan ang ating mga kababayan sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Ayon sa Palasyo, magbibigay pa rin ang pamahalaan ng pagkain at masisilungan kahit reconstruction at rehabilitasyon na ang konsentrasyon ngayon ng gobyerno.
“Hindi po papabayaan na magutom sila, hindi po papabayaan na mawalan sila ng masisilungan lahat po ng kanilang fundamental na pangangailangan ay matutugunan, kaya lang po ang ating atensyon ay inililipat na sa recovery and rehabilitation and reconstruction efforts,” ani Secretary Coloma. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)
FILE PHOTO: C130 sa Mactan Airport. Maliban sa Cebu at Maynila na pinaglapagan ng C130 plane lulan ang mga nasalanta ni Yolanda na ibig lumikas ay dumagsa rin ng mga ito sa Davao City. (JULIUS THEO CASTROVERDE / Photoville International)
DAVAO CITY, Philippines — Umabot na sa 136 na mga pamilya o katumbas ng 400 indibidwal mula sa mga binagyong lugar sa Visayas Region ang dumating sa Davao City upang pansamantalang manirahan.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 11, linggo- linggo ay nadaragdagan ang mga dumadating na survivors dahil hirap pa rin ang mga ito na makapagsimulang muli sa kanilang lugar.
Patuloy din ang pagbibigay ng relief assistance ng DSWD sa mga lumilikas na survivors sa Region 11.
Ayon kay DSWD Region 11 Director Precy Razon, bukod sa relief assistance ay tinutulungan rin nila ang mga biktima na makahanap ng maayos na trabaho lalo na ang mga skilled workers.
“We continue to assist these families by provision of health services kasi karamihan sa kanila may mga buntis, may mga sakit, yung mga bata, so we refer them to SPMC and then the city health and of course psychosocial stress debriefing binibigyan po natin and continues relief packs,” pahayag ni Razon.
Kasabay nito ay kinukumbinse rin ng DSWD ang mga survivor na muling bumalik sa Tacloban at Leyte kapag naka-recover na.
Samantala, patuloy din ang pagtulong ng militar mula sa Eastern Mindanao Command (EastMinCom) sa reconstruction ng mga tahanan, eskwelahan at iba pang vital installations na sinira ng Bagyong Yolanda.
Gayunpaman, sinabi ni EastMinCom Spokesman, Lt. Col. Lyndon Paniza na kinukulang na sila ng mga pako, yero at kahoy at iba pang kagamitan sa paggawa ng temporary shelter.
“Nananawagan po kami na kung puwedeng makatulong sa pagbigay ng mga construction materials basic construction materials para sa paggawa ng isang maliit na kubo so that may masilungan ang ating mga kababayan doon sa Visayas na nasalanta ng bagyo,” anang opisyal.
Sa mga nagnanais tumulong, maaaring dalhin ang mga donasyon sa Regional Interagency Relief Operations Center sa DPWH depot sa Panacan, Davao City. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)
Ang ilan sa mga estudyante ng Rizal Central School sa Tacloban na pumasok na sa kanilang klase. (UNTV News)
LEYTE, Philippines — Balik-eskwela na nitong Lunes ang mga estudyante sa Samar at Leyte, ilang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda.
Sa makeshift classrooms muna magkaklase ang mga mag-aaral dahil hindi pa maaaring gamitin ang mga silid-aralan na napinsala at nagiba ng bagyo.
Ayon naman sa Department of Education (DepED), wala munang formal classes at sa halip ay stress debriefing ang gagawin upang maalis ang trauma ng mga mag-aaral sa naranasang kalamidad.
Sinabi ng DepED na hindi lahat ng paaralan sa dalawang lalawigan ay magbubukas dahil bukod sa nasira marami pa ang hindi nalilinis. (UNTV News)
FILE PHOTO: Ang mga kabataan mula sa grupong Ang Dating Daan at Isang Araw volunteers sa pagkakarga ng mga naka-sakong relief packs sa DWSD-NROC sa Pasay City. (PHOTOVILLE International)
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Pangulong Benigno Aquino III ang iba’t ibang grupo maging ang mga hindi nagpakilalang indibidwal na tumulong sa ating mga kababayan na biktima ng Super Typhoon Yolanda.
Sa pagdalo ng pangulo sa taunang Bulong Pulungan sa Pasay City kaninang umaga, umapela ito sa media na huwag din sanang kalimutan na ibalita ang mga taong nagsakripisyo at tumulong sa panahon ng krisis at kalamidad.
Ang Bulong Pulungan ay isang pagtitipon ng grupo ng mga negosyante at iba’t ibang media organization.
“Siguro ganoon ho talaga ang kalakaran na patuloy pa rin ‘yung tinatawag na negativism sense. ‘Pag hindi tayo naghanap ng o hindi tayo gumawa ng kontrobersya o isyu ay parang boring ‘yung ating media. Ang problema ho doon, nakakalimutan naman natin ‘yung mga tao na talaga namang may ginawa para ibsan ang kahirapan o pagdadalamhati ng ating mga kababayan,” pahayag ng Pangulo.
Image may be NSFW. Clik here to view.
FILE PHOTO: Ang mga mag-aaral ng La Verdad Christian College at mga miyembro ng Bible Readers Society International sa relief repacking operation sa Deparment of Agrarian Reform para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda. (PHOTOVILLE International)
Sinamantala rin ni Pangulong Aquino ang pagkakataon upang magpasalamat sa mga tumulong sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda.
Aniya, “Palagay ko ito ang angkop na panahon para naman magpasalamat, at ako na ang magpapasalamat sa ngalan ng bansa sa lahat nitong mga taong ito, marami nga ‘yung tinatawag na nameless.”
Inihayag din ni Pangulong Aquino ang masidhi niyang kahilingan ngayong taon na sana raw ay wala muna tayong bagong pagsubok na maranasan.
“The wish really is center is on hopefully no more challenges on this magnitude this year.”
Samantala, naging bahagi ng pagtitipon ang pagbibigay ng parangal sa mga natatanging indibidwal.
Nabigyan ng Exemplar Award for Courage and Integrity sina Justice Secretary Leila De Lima, Ombudsman Conchita Carpio Morales at Commission on Audit (COA) chair Grace Pulido-Tan.
Tumanggap rin ng Outstanding Exemplar Award bilang Man of Steel si Pangulong Aquino mula sa buong kapulungan. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)
Image may be NSFW. Clik here to view.
FILE PHOTO: Sa DSWD National Resource Operations Center (NROC) ginagawa ang malakihang relief repacking operation kung sa dumagsa rin ang ating mga kababayan na nagkaroon ng puwang sa kanilang puso ang makatulong at makidamay sa mga nasalanta nating mga kababayan sa Bagyong Yolanda. (PHOTOVILLE International)
Nasa pagtahak na ng pagbangon ang mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan sa pamamagitan ng mga relief operations ng iba’t-ibang grupo, mga programa ng pambansang pamahalaan tulad ng cash for work sa rehabilitation efforts at ng pagbuhos ng mga tulong mula sa international communities. Kamakailan naman ay halagang P27.5-M ang ibinigay ng donasyon ng Macau, China sa patulong sa mga kababayan nating ito. (ROVIC BALUNSAY / Photoville International)
MACAU, China – Nag-donate ang gobyerno ng Macau ng halagang 5 million patacas o katumbas ng P27.5 million para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa Pilipinas.
Personal na inihatid ni Macau Special Administrative Region, Chief Executive Chui Sai On kay Philippine Consul General Danilo Ibayan ang perang donasyon kasama ang isang liham ng pakikisimpatya sa lahat ng mga nabiktima ng bagyo.
Diretso naman itong ire-remit ng Macau government sa foreign donation account ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
“I was not expecting that much; I did not expect na ganun kalaki. So when I saw him, he even read before me, letter of sympathy sa mga biktima sa Pilipinas ng super typhoon,” ani Ibayan.
Dagdag pa nito, patunay umano ito na patuloy ang magandang relasyon ng Pilipinas sa special administrative region ng China.
Sa kasalukuyan ay nasa 18-libong overseas Filipino workers (OFW) ang naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa.
“Well, it’s always excellent ang ating bilateral relationship with Macau,” saad pa ng Philippine Consul General.
Samantala, nagpaabot naman ng kanyang mensahe si Consul General Danilo Ibayan sa ating mga kababayang nasalanta ng Bagyong Yolanda.
“Well I hope our mga kababayan natin sa Central Visayas particularly Samar and Leyte provinces are strong enough to rebuild their lives and livelyhood, dahil if we have strong character malalampasan natin yan, and we will able to overcome, so have faith in god and faith in ourselves.”
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang panghihikayat ng konsulado ng Pilipinas sa Macau sa ating mga kababayaan na tumulong sa relief operation na kanilang ginagawa. (Ramies Narral / Ruth Navales, UNTV News)
MANILA, Philippines — (Update) Dalawamput pitong bangkay ang panibagong narecover sa Tacloban, Leyte na isa sa pinaka-nasalantang lugar ng Bagyong Yolanda.
Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 5,786 ang bilang ng nasawi sa nagdaang bagyo, habang nananatili sa 26,233 ang sugatan, at 1,779 ang nawawala.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa mga evacuation center ang 872,727 pamilya mula sa mahigit 2-milyong apektadong pamilya.
Samantala, nananatili namang nasa mahigit 35-bilyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura. (UNTV News)
FILE PHOTO: Mga pulis na naka-duty sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng Bagyong Yolanda. Nagpalabas na ang Philippine National Police ng patuparin na pagbabawal sa pag-se-selfie sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda at pati na rin sa lahat ng operasyon ng Pambansang Pulisya. (PNP-RCG)
MANILA, Philippines — Hindi na pinahihintulutan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na nasa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda na kumuha ng “selfie” shots.
Ang selfie, ayon sa Oxford dictionary ay ang pagkuha ng isang tao ng larawan ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng smart phone o webcam at iaa-upload ito sa social media website.
Paliwanag ng PNP, wala namang magandang maibubunga ang pagkuha ng selfie upang mapabuti ang kalagayan ng mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
“Selfie does not contribute to ease damage Yolanda. Not in protocol of police in duties. Presence of police should be maximized in area taking selfie photos prohibited,” pahayag ni PNP-PIO Chief Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac.
Ngunit ayon sa pulisya, posibleng hindi lamang sa lugar na apektado ng Bagyong Yolanda ipatupad ang pagbabawal sa selfie shots kundi sa lahat ng police operations.
Ani Sindac, “born out of past experiences ganoon direction selfie not allowed in crisis situation manmade or natural disaster.”
Ang mga pulis na lalabag sa kautusan ay maaring maharap sa kasong administratibo.
Sa ngayon ay wala pang nakakasuhang pulis kaugnay sa nasabing pagbabawal. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)